Ayon kay LPGMA President Arnel Ty, na ang naturang pagtaas ng presyo ng LPG ay dahilan na rin sa patuloy na pagtaas ng contact price nito sa world market dahil sa panahon ng taglamig at dahil na rin sa hirap ng pag-angkat nito.
Dahil dito hindi na nila kayang balikatin pa ang dating presyo at kinakailangang mag-adjust ng presyo base sa itinaas ng presyo nito sa pandaigdigang pamilihan.
Sisimulan ng grupo ni Ty ang pagdagdag ng presyo ng LPG dakong alas:12:01 ng madaling araw sa Enero 1, 2007 kasabay ng pagdiriwang ng Bagong Taon hanggang umabot ang price adjustment sa pagtatapos ng Enero upang hindi umano masyadong mabigat sa consumers.
Ang LPGMA ay siyang dealer ng Omni, Cat, Sula, at Pinnacle Gas. Dahil dito aabot na sa mahigit sa P500 kada 11 kg na tangke na pangkaraniwang ginagamit sa mga bahay ang presyo ng LPG.
Sa kasalukuyan ay naglalaro ang presyo nito mula sa P465 hanggang sa P480.
Inaasahan namang susunod din ng pagtaas ng presyo ng kanilang produktong LPG ang iba pang kompanya ng gas matapos ang pahayag ng LPGMA. (Edwin Balasa)