Namatay habang nilalapatan ng lunas sa Amang Rodriguez Medical Center sanhi ng tinamong bugbog sa katawan dahilan upang maapektuhan ang atay at baga ng biktimang si Catherine Diane Picandal, estudyante, habang patuloy namang inoobserbahan pa sa nasabi ring pagamutan ang kapatid nitong si Kimberly Picandal, 14. Samantala, hindi naman masyadong napinsala ang iba pa na sina Dianalyn Reyes, 12; Robin Tamayo, 15; kapatid na si Rudy, 13; Raymund Abagon, 17; at kapatid na si Ronald, 15, pawang lulan sa apat na pangdalawahang upuan ng bumagsak na galamay ng nasabing carnival ride na nagtamo ng mga bali, pasa at bugbog sa katawan.
Nabatid na bawat isa sa walong galamay ng octopus ride ay mayroong apat na upuan kung saan kasya ang dalawa katao rito.
Samantala, patuloy namang pinipigil sa himpilan ng pulisya ang tatlo katao na umanoy responsable sa nasabing aksidente na nakilalang sina Elmer Esguerra, manager, Jeffrey Magat, 20, at tatay na si Antonio, 53, operator ng octopus ride, ang mga ito ay nakatakdang sampahan ng kasong reckless imprudence resulting to homicide and serious physical injuries.
Sa pinagsamang imbestigasyon nina SPO1 Arnel Manuel at PO2 Nelson Cruz, naganap ang insidente dakong alas-4:30 ng hapon nang magsisakay ang mga biktima sa scrabble ride sa isang mini carnival na matatagpuan sa riverside Brgy. J. dela Peña ng nasabing lungsod.
Nabatid na habang tumatakbo ang nasabing ride ay bigla na lang nakalas ang isa sa walong galamay nito na kinalulunanan ng pitong biktima, napasama naman ng bagsak ang upuang kinalululanan ng magkapatid na Picandal na siyang nagtamo ng pinakamalalang pinsala.
"Mabuti pababa na nang makalas sa pagkaka-welding yung galamay ng octopus; kung sa taas pa nangyari yun sigurado mas malala pa yung nangyari sa mga bata," pahayag ng isa sa mga nakasaksi ng insidente.
Matapos ang pangyayari ay mabilis na isinugod sa nasabing pagamutan ang mga batang biktima. Namatay din si Catherine Diane matapos ang mahigit sa dalawang oras na operasyon dahil sa komplikasyon sa baga at atay.
Ayon naman kay Supt. Sotero Ramos, hepe ng Marikina police, nakipag-usap na sa kanya ang may-ari ng nasabing mini carnival na handa silang panagutan ang anumang obligasyon nila sa mga biktima at humihingi sila ng paumanhin sa pangyayari dahil hindi rin umano nila ito ginusto.
Samantala, dahil sa pangyayari ay pinatigil ni Marikina City Mayor Ma. Lourdes Fernando ang operasyon ng lahat ng rides upang hindi na maulit pa ang nasabing aksidente. (Edwin Balasa)