Namatay habang nilalapatan ng lunas sa Parañaque Medical Center ang biktimang si Sidney Santos, binata, ng 314 Mabolo St., Ayala Alabang, Muntinlupa City bunga ng grabeng pinsalang tinamo sa ulo at katawan.
Ayon kay PO3 Joselito Quila ng Bicutan Traffic Management Group, kasalukuyang tinatahak ni Santos ang SLEX sakay ng kanyang Mazda 323 na may plakang WAE-199 patungong Alabang nang biglang mawalan ng kontrol ang sasakyan dahilan upang bumangga ito sa concrete perimeter fence ng expressway at service road. Sa sobrang lakas ng pagkakabangga ay tumilapon palabas sa windshield si Santos.
May hinala naman si Quila na posibleng hindi nagsuot ng kanyang seatbelt ang biktima kung kayat tumilapon ito nang bumangga ang kanyang sasakyan.
Ayon naman kay Arthur Santos, ama ng biktima na hindi nakauwi ng kanilang bahay kamakalawa ng gabi ang kanyang anak dahil may tinatapos na project sa eskuwela at posibleng inantok ito sa pagmamaneho na naging dahilan ng aksidente. (Lordeth Bonilla)