Ayon sa ulat ng pulisya, nilooban ng grupo ang Our Lady of Visitation Church sa Visitation St., Sacred Heart Village, Phase IV, Brgy. 179 Camarin, Caloocan City
Nakuha ng mga suspect sa simbahan ang mga kagamitan na kinabibilangan ng isang amplifier, mixer equalizer, dalawang microphone at wireless receiver na ginagamit ni Rev. Father Elpidio de Peralta, parish priest sa naturang simbahan.
Nabatid kay PO2 Redentor Mantala Jr., imbestigador ng Station Intelligence and Investigation Division (SIID) ng Caloocan Police na natuklasan ni Father de Peralta ang pagnanakaw sa mga kagamitan sa pagmimisa dakong alas-5:30 ng madaling-araw bago magsimula ang misa sa simbang gabi.
Nakaugalian na umano ni Father de Peralta na tingnan muna kung maayos na ang lahat bago magmisa kung kayat nang kanyang bisitahin ang lugar ay nagulat na lamang ito ng mapansing nawawala na ang nasabing mga kagamitan.
Agad na ipinagbigay alam ni Father de Peralta ang insidente sa himpilan ng pulisya na ngayon ay nagsasagawa ng imbestigasyon.
Lumilitaw sa pagsisiyasat ng Scene of the Crime Operatives (SOCO) sa pamumuno ni Chief Insp. Domingo Almania, na nagawang makapasok ng mga salarin sa loob ng simbahan sa pamamagitan ng pagdaan sa gawing likuran ng simbahan.
Mula dito ay sinira ng mga suspect ang door knob ng pintuan bago tuluyang nakapasok at kunin ang mga kagamitan. Dahil hindi pa nag-uumpisa ang misa at wala pang tao ay malayang nakalabas ang mga suspect. (Ricky Tulipat)