Ayon kay Administering Officer Insp. Reynaldo Hernandez, bandang alas-9:45 kamakalawa ng gabi nang magtungo sa kanilang tanggapan ang biktimang si Ramiro Sanchez, 38, negosyante ng #23 Caiz St., Mandaluyong City at inireklamo ang tindahan ng manok na matatagpuan sa #2423 Leonor Rivera St., Sta. Cruz.
Kaagad na nagsagawa ng pagsalakay ang mga operatiba ng SOG kasama si Dr. Jorgil Benedict de Leon ng Office of Veterinary Inspection Board (VIB) ng Manila City Hall at dito nadiskubre na positibo ang sumbong.
Kaagad inaresto ang mga suspect na sina Michelle Decenan, 18; Rico Cante, 25; Patricio Estillore, 22; Franco Ortiz, 21; Oliver Aguillon, 19, pawang mga katulong sa pag-iiniksiyon sa manok at ang kanilang amo na si Rogelio Neria, 43, negosyante at residente rin sa naturang lugar.
Naaktuhan pa ng mga awtoridad ang ginagawang pag-iiniksiyon ng mga suspect sa mga manok gamit ang heringgilya para magmukhang mataba at bumigat sa timbang ang bawat piraso ng bibilhing manok.
Pitong sako ng manok ang nakumpiska ng mga awtoridad na naturukan na at handa nang ibenta at mabilis na isinurender sa tanggapan ng VIB.
Kasalukuyang nakapiit ang mga suspect habang inihahanda ang kaukulang kaso laban sa mga ito. (Gemma Amargo-Garcia)