Pulis-Maynila patay sa ambush

Patay ang isang miyembro ng Manila Police District matapos tambangan ng mga hindi nakikilalang suspect sa Taft Avenue, Ermita Maynila, kahapon ng tanghali.

Nasawi makaraang isugod sa Phil. General Hospital ang biktimang si SPO2 Jessie Valera, 50, nakatalaga sa MPD-Theft and Robbery Section.

Mabilis namang tumakas ang tinatayang anim na kalalakihan na lulan ng tatlong motorsiklo at armado ng matataas na kalibre ng baril.

Batay sa inisyal na imbestigasyon, naganap ang nasabing pananambang sa biktima dakong alas-12:30 ng tanghali sa panulukan ng Ayala at Taft Avenue sa Ermita.

Lulan umano ng kulay silver na kotseng Toyota Corolla ang biktima na minamaneho ng isang Leoncio Bernardo nang paulanan ito ng bala ng baril ng mga salarin.

Matapos ang pananambang mabilis na tumakas ang mga suspect habang ang biktima ay mabilis na isinugod ni Bernardo sa nasabing pagamutan.

Patuloy naman ang isinasagawang imbestigasyon ng pulisya upang matukoy ang mga salarin at ang motibo ng pananambang. (Danilo Garcia)

Show comments