Ang suspect na si Dennis Permites ng Purok I Upper Bicutan, Taguig City ay agad na sinampahan ng kasong paglabag sa Republic Act 9208 o anti-trafficking of persons act of 2003.
Ayon kay Special Investigator III Joey Narciso ng NBI-National Capital Region humingi ng tulong sa kanila ang biktimang si Jose Rivero, 31, tricycle driver upang maaresto si Permites na nanloloko sa kanya.
Pinangakuan siya ng suspect na babayaran siya ng halagang P300,000 para sa kidney, bibigyan ng libreng matutuluyan hanggang matapos ang operasyon at isasagawa ang operasyon sa isang pribadong ospital sa Quezon City.
Sinabi ni Permites na nahirapan siyang hanapan ng katugmang kidney si Rivero kung kayat napilitan itong tumira sa kanya sa loob ng 10 buwan mula Enero hanggang Oktubre 2006.
Matapos ang operasyon noong Oktubre 10 nakita ni Rivero na binayaran ng recipient ng kanyang kidney si Permites kung kayat hinihingi niya dito ang napag-usapang P300,000. Subalit sa halip na bayaran ng buo, installment ang ginawang pagbabayad ng suspect sa biktima.
Dito na napilitang humingi ng tulong si Rivero sa NBI kung saan nagpanggap na tenant si NBI investigator Narciso.
Nakuha kay Permites ang isang PRC card na nakasaad na isa itong lisensiyadong physical therapist. Ibeberipika ito ng NBI bukas.
Naabutan din sa bahay ng suspect ang anim pang kalalakihan na pinaniniwalaang mga kidney donors.