6 grupo nasa likod ng extrajudicial killings

Tinukoy ni Philippine National Police (PNP) Deputy Director General Avelino Razon at hepe ng Task Force Usig na anim na grupo ang lumilitaw na responsable sa pamamaslang sa mga militanteng grupo at mamamahayag kaugnay na nangyayaring extrajudicial killing sa bansa.

Ito naman ang lumitaw sa ginawang pagpupulong ng TF Usig noong Disyembre 13, 2006 kung saan ang mga grupo ay kinabibilangan ng Communist Party of the Philippines-New People’s Army (CPP-NPA), mga hinihinalang military, police personnel, ultra-rightist elements, mga organized group at mga criminal elements.

Aminado si Razon na walang pinaiiral na polisiya ang pamahalaan upang pigilan ang anumang karapatan ng sinuman na maghayag ng kanilang saloobin at pagtingin sa mga isyu ng bansa subalit wala din namang ipinatutupad na polisiya upang manakit o pumatay ng journalist na bumabatikos sa pamahalaan o miyembro ng mga militanteng grupo.

Subalit ayon kay Razon naniniwala siya na kung magkakaroon ng dayalogo ang pulisya sa militanteng grupo, miyembro ng media at high risk personality unti-unting mababawasan ang karahasan at mabibigyan ng sapat na seguridad ang mga ito

Sa katunayan aniya ay muling ipinatutupad ni PNP chief Director General Oscar Calderon ang reward system upang mas maging madali ang pagdakip sa mga kriminal at responsible sa pamamaslang. (Doris Franche)

Show comments