Kotse ni Cong. Dodot sinadyang pasabugin — PNP

Hindi itinanim kundi sinadyang pasabugin base na rin sa mga nakitang indikasyon ng mga nagrespondeng elemento ng pulisya ang Toyota Innova van ni Rep. Robert ‘Dodot’ Jaworski Jr. sa Pasig City, kamakalawa ng hapon.

Sa isang pulong-balitaan sa Camp Crame, sinabi ni National Capital Region Police Office (NCRPO) Chief Director Reynaldo Varilla na dalawang anggulo ang masusi nilang iniimbestigahan sa insidente na kinabibilangan ng alitan sa pulitika at illegal na droga.

Sinabi ni Varilla na ang mga narekober na ebidensya ng mga nagkapira-pirasong eksplosibo ay ipinadala na nila sa Philippine National Police Bomb Data Center sa Camp Crame para masuri.

Ayon kay Varilla, ipinag-utos na niya ang masusing imbestigasyon sa kasong ito dahilan si Jaworksi ay kilalang kritiko sa pamamayagpag ng illegal na droga sa Pasig City kung saan nasagasaan nito ang ilang maiimpluwensyang pulitiko at maging ang diumano’y mga protektor ng pulis sa nalansag na shabu tiangge sa lungsod.

Sinabi naman ni Eastern Police District (EPD) Director Sr. Supt. Luizo Ticman base sa report ni Pasig City Chief Sr. Supt. Francisco Uyami Jr. na hindi sanhi ng aksidenteng short circuit tulad ng mga espekulasyon ang sanhi ng pagsabog ng van ni Jaworski kundi sinadyang taniman ng bomba ang sasakyan ng solon sa bigong pagtatangka sa buhay nito.

Si Jaworski , kapatid nitong si Ryan at isang staff ay nakaligtas sa insidente matapos na makababa agad sa van bago ito tuluyang sumabog.

Ayon kay Ticman nakipag-usap na siya nitong Martes ng gabi kay Rep. Jaworski kaugnay ng imbestigasyon sa posibleng motibo sa pagpapasabog sa van nito sa kahabaan ng C-5 Road, Pasig City.

Ayon sa opisyal, inamin naman ng Kongresista na nagpaputok ng baril ang kanyang mga bodyguard bilang bahagi ng security measures.

Samantalang si Jaworski ay may plano umanong tumakbo sa mayoralty race sa lungsod na makakalaban kung saka-sakali ang anak ni Mayor Eusebio na si Roberto sa 2007 elections.

Show comments