Nasa pangangalaga na ng Manila Police District-Explosive and Ordnance Division ang mga nahukay na 150 rounds ng cal. 30, mga bala ng cal. 50 at apat na live na granada.
Ayon sa report, dakong alas-10 ng umaga nang makatanggap sila ng tawag ukol sa pagkakatagpo ng mga bala at granada sa likod ng simbahan ng Iglesia Filipina Independiente sa may panulukan ng Taft Avenue at Escoda St., Ermita.
Nagsasagawa ng konstruksyon para sa ekstensyon ng simbahan ang mga obrero ng MBSF Construction Co. nang mahukay ang balot ng bomba. Masuwerte na hindi tinamaan ng pala at piko at hindi rin natanggal ang pin ng granada na posible pang sumabog.
Nabatid pa na ibinaon ng mga Hapones ang mga bala at granada sa kasagsagan ng digmaan o maaaring natabunan lamang dahil sa pambobomba noon sa Maynila. (Danilo Garcia)