Dakong alas-12:15 ng madaling-araw nang maalarma ang Kongreso hinggil sa umanoy pagkakatagpo ng bomba habang nasa kainitan ng deliberasyon sa pagpapalit ng Saligang Batas.
Nabatid na tumawag umano si Ret. Gen. Bayani Favic, Sgt.-at-Arms ng Kongreso sa Quezon City Police District-Batasan Police Station na humingi naman ng responde mula sa mga tauhan ng Explosive and Ordnance Division (EOD) sa diumanoy itinanim na bomba sa loob ng gusali.
Mabilis namang nagalugad ng mga tauhan ng EOD at dalang K-9 subalit wala namang natagpuang bomba sa loob ng Kamara.
Subalit ayon naman kay QCPD-Batasan Police Station Chief, Supt. Constante Agpaoa, bahagi lamang umano ng security procedure ang pagpapadala ng bomb squad sa Batasan complex upang matiyak ang seguridad ng mga mambabatas lalo pat nasa kainitan ng deliberasyon sa Chacha. (Doris Franche at Malou Escudero)