Iniharap kahapon sa media ni Sr. Supt. Magtanggol Gatdula, QCPD Director ang mga suspect na sina Alfie Cabatuando, 24, masahista, at si Christopher Dasugo, 37, security guard, kapwa nagtatrabaho sa Feels So Good Massage Center sa Pat Senador St. San Francisco del Monte at mga residente ng 4961 Lanzones St. San Vicente Ferrer, Camarin, Caloocan.
Ayon naman kay Supt. Franklin Moises Mabanag, hepe ng QCPD-CID, ang pagkakadakip sa mga suspect ay bunga na rin ng pagkaka-trace ng cellphone ni Siervo. Nabatid na nakipagtagpo ang mga tauhan ng CID sa umanoy tumatayong "mamasang" hanggang sa magkita sa Banawe Avenue, Quezon City.
Nabatid naman kay Cabatuando, tinawagan umano siya ni Siervo, 24, upang magpa-home service massage kayat agad naman silang pumunta sa inuupahang apartment ng biktima kasama si Dasugo. Nagkasundo sila sa halagang P1,000.
Ngunit sa kalagitnaan ng pagmamasahe ng suspect ay may pinagagawa sa kanya si Siervo na umanoy kababuyan subalit hindi umano niya magawa hanggang sa magalit ang biktima sa kanya at hindi siya bayaran ng pinagkasunduang presyo.
Dito na nagdilim ang kanyang paningin hanggang sa kunin niya ang dalang kutsilyo at sinaksak si Siervo. Dito na rin tinawag ni Cabatuando si Dasugo na siya namang humawak sa biktima habang patuloy niya itong sinasaksak.
Tinangay din nila ang dalawang ATM cards, digital camera, cellphone, kung saan nakapagwithdraw ang mga ito ng P16,000 at P2,000 sa dalawang ATM cards ni Siervo. Nakuha umano ng mga suspect ang pin number ng mga ATM cards sa kapirasong papel na nakalagay sa wallet ng biktima. Matatandaang natagpuang nakahubad at tadtad ng saksak sa katawan ang biktima sa ibabaw ng kama sa kanyang inuupahang apartment noong Nob. 3, 2006 ng umaga.