Lalaki binoga dahil sa droga

Pinaniniwalaang onsehan sa droga ang motibo ng pamamaslang sa isang 23-anyos na lalaki na natagpuang nakahandusay, kamakalawa ng gabi sa Quezon City.

Dead on the spot ang biktimang si  Alanor Datugan, residente ng Masaya St. Brgy. Gulod, Novaliches matapos na magtamo ng dalawang tama ng bala ng baril sa ulo.

Samantalang blangko naman ang mga awtoridad sa pagkakakilanlan ng suspect kung kaya’t patuloy pa rin silang nangangalap ng ebidensiya upang matukoy ang salarin.

Ayon sa ulat, dakong alas-10 ng gabi nang maganap ang insidente sa Kabuhayan St. ng nabanggit ding barangay.

Galing sa isang tindahan ang biktima nang bigla  na lamang itong harangin ng  suspect at walang sabi-sabing malapitang binaril sa ulo ng dalawang ulit.

Agad na bumulagta ang biktima habang mabilis namang tumakas ang suspect sa hindi pa malamang direksiyon.

Lumilitaw sa imbestigasyon ng pulisya na ang biktima ay kilala umanong isang pusher sa lugar kung kaya’t hinihinala na may kinalaman sa droga ang pamamaslang dito. (Doris Franche)

Show comments