Inatasan ni Navotas Mayor Toby Tiangco si Supt. Genesis Tulejano, hepe ng pulisya at ang Public Order and Safety Office (POSO) na ipatupad ang umiiral na Municipal Ordinance 2004-13 na naglalayong hulihin at pagbayarin ang sinumang lalabag dito.
Sa nilalaman ng ordinansa, aabot sa P2,000 ang multa na ipapataw sa sinumang driver na mapapatunayang nagmamaneho ng lasing o nakainom ng alak at pumasok sa teritoryo ng Navotas.
Bukod dito, may parusa ring isang araw na pagkabilanggo o parehong pagkakakulong at multa ang aabutin ng mga violators dito.
Iginiit ni Tiangco na layunin ng kanyang kautusan na panatilihin ang kaligtasan ng mga motorista at commuters lalo na ngayong pagsapit ng Kapaskuhan.
Aniya, karamihan sa mga kasong naitala sa Traffic Department hinggil sa mga vehicular accidents ay ang kapabayaan ng driver dahil na rin sa hindi nito makontrol ang sarili na makaidlip habang nagmamaneho bunga ng kalasingan at epekto ng alak.
Kaugnay nito, mahigpit na ipapatupad ang mga checkpoints lalo na sa gabi upang masawata ang mga driver na hinihinalang nagda-drive ng lasing. (Ellen Fernando)