Kinilala lamang ang nasawi sa screen name nito base sa kanyang ipinatala sa listahan ng mga contestant na si Joan Montegracia.
Base sa ulat ng Caloocan Police, dakong alas-9:30 ng gabi sa kasagsagan ng hiyawan at tawanan dahil sa pagtawag ng emcee sa mga contestant sa ginanap na gay beauty pageant sa may Maria Clara St., 4th Avenue nang maganap ang hindi inaasahang insidente.
Nabatid na nagpapalakpakan at nagsigawan ang mga manonood nang tawagin ng emcee si Montegracia sa stage dahil sa oras na nito upang magsalita at ipakilala ang sarili. Ngunit habang nagsasalita ang biktima at hawak ang mikropono ay bigla na lamang nagitla ang mga manonood nang matumba at mangisay ito.
Inakala naman ng iba na nahilo at nahimatay lamang ito bunga ng matinding tension o di kaya ay ninerbiyos sa patimpalak subalit kahit yugyugin ito ay hindi na kumilos pa.
Mabilis itong isinugod sa pagamutan subalit idineklara na itong patay. Sa isinagawang pagsusuri, electrocution ang sinasabing naging sanhi ng kamatayan ng biktima.
Posibleng nahawakan umano nito ang bakal na nakakabit sa mikropono na aksidenteng nadikit sa isang live wire o kaya ay posibleng may live wire sa ibabaw ng stage. (Ellen Fernando)