Ayon kay DILG Undersecretary Marius Corpus, ang pagsibak kay Cruz ay bunga na rin ng pagtatapos ng anim na buwang panunungkulan nito bilang OIC.
Aniya, batay sa Civil Service Rules, hindi dapat na lumagpas sa naturang panahon ang pagiging OIC ni Cruz at kinakailangan na mayroong third level eligibility
Maging ang next in line na Deputy BJMP chief na si Chief Superintendent Armando Llamasares ay hindi rin maaaring ipuwesto bilang chief BJMP dahil hindi ito pasado sa Civil Service Eligibility.
Sinabi ni Corpus na siya muna ang pansamantalang pupuwesto bilang hepe ng BJMP bagamat inirekomenda ni Secretary Puno si Chief Supt. Clarito Jover upang pumalit sa puwesto ni Cruz.
Nilinaw ni Corpus, na ang pagkakasibak kay Cruz ay walang kinalaman sa kontrobersiyal na paglilipat ni Charlie "Atong" Ang sa Metro Manila District Jail mula sa Quezon City Jail. Iginiit nito na hinihintay na lamang nila ang desisyon ng Sandiganbayan sa usapin at susundin na lamang nila ito kung pinal na ang desisyon. (Doris Franche)