4 Chinese trader tiklo sa P4M toy guns

Umaabot sa humigit- kumulang na P4 M halaga ng toy guns ang nasamsam ng mga operatiba ng PNP-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG), habang apat namang tiwaling negosyanteng Chinese ang nasakote sa  raid sa isang shopping mall sa Binondo, Manila, ayon sa mga opisyal kahapon.

 Sa ginanap na press briefing , iniharap ni PNP-CIDG Deputy Director Chief Supt. Pedro Tango sa mediamen ang mga nasamsam na bulto ng mga toy guns.

 Ang nasabing mga armas ay replica o kahawig ng orihinal na bersyon ng high powered rifles na air soft guns at rifles na galing  sa bansang China.

Kinilala ni Tango ang mga nasakoteng suspect na sina Kim Wee Lee,  alyas Willy, 32 ; Dung See Ang , alyas Tony, 42 ; Xai Men We, 29 at Suan Hai Ya, alyas Tang , 32; pawang tubong Fukien, China at naninirahan ngayon sa Binondo, Manila. 

Ayon kay Tango, isinagawa nila ang raid kamakalawa ng hapon sa iba’t-ibang shopping stalls sa 168 Shopping Mall sa kahabaan ng Soler St., Binondo, Manila  sa bisa ng limang search warrant na ipinalabas ni Judge Cielito Mendaro- Grulla ng Regional Trial Court (RTC) Branch 29, Manila.

Nabatid na ang nasabing mga armas ay ibinebenta sa halagang mula P 3,000 hanggang P 8,000 bawat isa.

Kaugnay nito , nagbabala naman si Sr. Supt. Christopher Laxa, Assistant Division Chief for Intelligence, CIDG sa publiko na mag-ingat sa pagnenegosyo ng mga replica ng air soft guns na kahawig ng mga orihinal na armas dahilan karaniwan ng ginagamit ito sa ilegal na operasyon ng mga bigtime syndicates tulad ng robbery/holdup gang na nambibiktima ng mga bangko at mga pawnshop.

Inihahanda na ang pagsasampa ng kasong paglabag sa Presidential Decree 1866 (replica) at Executive Order 712 (regulating the manufacture, sale and possession of air rifle/ pistols) dahilan ikinokonsidera rin itong mga armas alinsunod sa implementasyon ng batas sa paggamit ng armas na nilagdaan ng pamahalaan noong Enero 29, 1992. (Joy Cantos)

Show comments