Ayon kay Supt. Gilbert Cruz, hepe ng Makati City police, kasalukuyang inoobserbahan sa Ospital ng Makati ang mga biktima na kinabibilangan ng walong guro ng nasabing paaralan na ang ilan ay nakilalang sina Angeles dela Cruz, Ramon Macuja at Jonathan del Valle, 1 guwardiya at 2 residente malapit sa nasabing paaralan matapos na makaramdam ng paninikip ng paghinga, pagkati ng katawan at paglitaw ng mga pantal sa mga balat ng mga ito.
"So far okay naman yung mga biktima, inoobserbahan pa rin sila sa ospital matapos i-complain ang pananakit ng kanilang dibdib at nahihirapang huminga saka paglitaw ng pantal sa mga balat at pamumula ng kanilang mata," saad ni Cruz.
Nabatid na nagsimula ang insidente dakong alas-4 ng hapon kamakalawa matapos na matumba umano ang mga cabinet na pinaglalagyan ng ibat ibang uri ng kemikal sa room 401 na siyang laboratory room ng San Isidro National High School na matatagpuan sa kahabaan ng Borne St. Brgy. San Isidro ng lungsod na ito dahilan upang maghalu-halo ang mga ito at sumingaw sa kapaligiran.
Dahil sa agad na pagkalat ng amoy ng ibat ibang uri ng kemikal ay naapektuhan agad ang walong guro at ang sekyu ng eskwelahan na nataong nasa sa loob ng eskwelahan.
Ang amoy ng kemikal ay kumalat hanggang sa labas ng eskwelahan dahilan upang makaapekto sa mga residente malapit doon na nakaramdam din ng kaparehas na sintomas at dalawa sa mga ito ay isinugod sa nasabing pagamutan.
Dahil dito ay agad na nagdeklara si Makati City Mayor Jejomar Binay na ilikas ang may 30 pamilya na nakapaligid sa 50 meter radius zone upang hindi na maapektuhan ng pagkalat ng amoy ng mga kemikal.
Kahapon dakong alas- 10:15 ng umaga ay iniutos na ni Binay na pasukin ng mga operatiba na kinabibilangan ng Bureau of Fire Protection, Makati rescue team ang paglilinis sa mga tumapong kemikal.
Nakasuot ng mga chemical suit at oxygen mask ay inumpisahang pasukin ng mga operatiba ang loob ng laboratory room ng eskwelahan upang simulan ang paglilinis at kumuha ng mga halu-halong sampol ng kemikal upang patingnan din kung anong mga uri ng kemikal ang mga ito at kung ano ang epektong dulot nito sa kalusugan ng mga tao.
Dahil dito dineklara ni Binay na suspendido ng may isang linggo ang klase ng mahigit sa 2,000 estudyante ng eskwelahan habang patuloy itong nililinis at nagsasagawa ng imbestigasyon. (Edwin Balasa)