Fiscal at judge pinaiimbestigahan: Caloocan police humirit na sa DOJ

Humingi na kahapon ng tulong ang Caloocan police sa Department of Justice (DOJ) upang makialam sa naganap na pagbasura sa multiple murder case laban sa isang barangaya chairman at 6 iba pa sa pagkakapatay sa 6 na obrero kamakailan.

Sa 2-pahinang liham ni Supt. Nap Cuaton, hepe ng Station Investigation Detection and Management Bureau ng Caloocan Police kay Justice Sec. Raul Gonzalez, iginiit nito na kailangang maimbestigahan ang piskal na si Asst. Prosecutor Nestor Dabalos at Caloocan Regional Trial Court Judge Elenore Kwong dahil sa ginawang pagbasura sa multiple murder case laban sa mga akusadong sina Brgy. Bignay Chairman Garcillano Victoriano ng Valenzuela City at mga tanod na sina Fernando Estrella, Ricky Flor, Ariston Veraba, Rodel Macabuhay, Danilo Campus, Francisco Bernal, Romeo Pacheco at Santiago Lumabao.

Base sa reklamo ni Cuaton kay Gonzalez, ang pagbasura ng naturang kaso ay ibinase lamang ni Judge Kwong sa "motion to withdraw informations" na inihain ni Piskal Dabalos na inaprubahan ng isang Ramon Rodrigo bagaman nakatakda na ang arraignment nito.

Nakasaad sa mosyon na nakapag-execute na ng "affidavit of desistance" ang kaanak ng mga biktima kaya sa paniwala ng prosekusyon ay hindi na dapat pang patunayan ang pagkakasala ng mga akusado sanhi ng pagbasura sa kaso.

Iginiit ni Cuaton sa kalihim na may iregularidad na nangyari sa kaso dahil sa bigat ng kanilang hawak na mga ebidensiya at testigo ay hindi man lamang ito ginamit para patunayang ang mga akusado ang pumatay sa mga biktimang sina Ramon Villanueva, Jefferson Agipana, Jun Azuero, Arthur Cardona, Judril Megiso at Reymy Ponteros, pawang mga trabahador sa King Dragon Remelting Aluminum Co. sa Meycauayan, Bulacan.

Naniniwala siya na ‘niluto’ ng naturang fiscal ang kaso dahil na rin sa posibleng may malaking kapalit itong halaga.

Samantala, nangangamba ngayon ang pamunuan ng Caloocan City Police sa buhay ng mga pangunahing testigo sa kaso ng pagpatay sa anim na obrero matapos na mapalaya ang mga pangunahing suspect na si Victoriano at kasamahan nito kamakalawa. (Ellen Fernando)

Show comments