Dead-on-the spot ang biktima na kinilalang si Rosendo Kho To, 29, may-asawa, at nakatira sa No. 45 8th Avenue Extension, Brgy. 102, Caloocan City bunga ng dalawang tama ng punglo sa ulo.
Pinaghahanap na ng pulisya ang dalawang di-kilalang suspect na armado ng kalibre .9mm.
Sa imbestigasyon ni SPO1 Raymond Mendoza, may hawak ng kaso, dakong alas-7:20 ng umaga habang naglalakad ang biktima mula sa kanyang tirahan papasok sa trabaho nang biglang sumulpot ang dalawang suspect sakay ng isang motorsiklo na walang plaka.
Agad na binunot ng isang suspect na back rider ang dalang baril subalit napansin agad ng biktima kaya mabilis itong tumakbo papalayo.
Nasukol naman ang biktima ng mga humahabol na suspect nang makarating ito sa may basketball covered- court na matatagpuan sa Bo. Galino Extension, 9th Avenue, Brgy. 102, nasabing lungsod hanggang sa sunud-sunod na paputukan ito ng baril.
Ayon kay Supt. Nap Cuaton, hepe ng Station Investigation, Detection and Management Bureau na "love triangle" ang tinitingnan nilang anggulo sa krimen.
Sinabi ng mga magulang ng biktima na may isang foreign national na naghahabol sa asawa ng biktima na noon ay naging overseas Filipino worker (OFW) sa Hong Kong may tatlong taon na ang nakalilipas. Nanligaw at posibleng nakarelasyon umano ng babae ang naturang foreign national kaya hanggang sa pagdating nito sa Pilipinas ay hinahabol at sinundan ito ng huli.
Nauna rito, nakatanggap na rin umano ng pagbabanta ang biktima bago ang ginawang pagpaslang dito.
Nilinaw ni Cuaton na bukod na nasabing anggulo, tinitingnan din nila ang posibilidad na may kaugnayan sa trabaho ang motibo sa pamamaslang bagaman sinasabi ng mga kasambahay nito na wala itong kaaway.