Nakilala ang dinakip na si Sgt. Ramil Ubay, 29, na positibong itinuro ng biktimang si Abigail Lazaro Padilla, 28 na nangholdap sa kanya.
Ayon sa ulat, naganap ang insidente dakong alas-3 ng madaling-araw sa Buena Mar St. Brgy. Nova Proper habang pauwi na galing sa trabaho ang biktima at habang nag-aabang ng tricycle ay nilapitan ito ng suspect na armado ng baril at nagdeklara ng holdap.
Habang kinukulimbat ng suspect ang mga kagamitan ng biktima ay namataan ito ng mga nagpapatrulyang tanod at pulis at naaresto.
Samantala, nakadetine naman sa Manila Police District Headquarters ang isang pulis na nakatalaga sa Quezon City Police District makaraang paghinalaang holdaper ng isang pasahero sa jeep nang tangkain tangayin ang kanyang bag at tutukan umano ng baril, kamakalawa sa Tondo, Maynila.
Nakilala ang inakusahang pulis na si PO1 Lauro de Guzman, nakatalaga sa Station 3 ng QCPD. Sinampahan ito ng kasong grave threats ng pasaherong si Florentino Alano, 42.
Ayon sa report naganap ang insidente dakong alas-11 ng gabi sa loob ng isang pampasaherong jeep at ayon sa biktima pilit na inaagaw ni de Guzman ang dala niyang bag at nang pumalag siya ay tinutukan siya ng baril. Nagawang makatalon ng jeep ng biktima at humingi ng tulong sa hindi kalayuang detachment.
Pahayag naman ni de Guzman na kahina-hinala umano ang kilos ni Alano kaya tinapik-tapik niya ang bag nito para alamin kung may baril. Nagpakilala rin siyang pulis dito ngunit bigla na lamang itong tumalon sa jeep.
Itinanggi ng pulis na isa siyang holdaper kundi tumutupad lamang umano siya sa tungkulin. (Doris Franche at Danilo Garcia)