Kinasuhan naman ng awtoridad ng obstruction of justice at direct assault ang anim na traffic enforcer na umanoy nagtangkang pigilan ang pag-iisyu ng suspension order kay Mateo at nanuntok pa ng mga pulis na kinilala naman na sina Insp. Rodolfo Panaligan at SPO1 Jojo Polangco ng Pasay detachment na sumama sa pag-iisyu ng suspension order.
Nilisan naman ni Mateo ang kanyang opisina matapos nitong makipag-usap ng matagal kina Pasay chief of police Marieto Valerio, city legal officer Joseph Castillo at Business Permit and Licensing Office chief Atty. Crisostomo Beltran.
Isa sa mga reklamo kay Mateo ay ang panloloko nito sa kanila na libre ang pagpapagawa ng kanilang uniporme ngunit ibabawas din pala sa kanilang mga sahod. Pansamantala naman munang itinalaga bilang OIC ng PTMO si Beltran at agad naman pinulong ang ilang traffic enforcers na nakatalaga sa EDSA Tramo.
Ayon kay Atty. Beltran, status quo muna ang nasabing tanggapan at sinabing sa kanya muna manggagaling ang mga direktiba ng opisina. Kasama rin ni Atty. Beltran sa pamamalakad ng nasabing opisina sina Kapitan Felicisimo Arnesto at Ingracio Pesebre na buong pusong susuporta para sa kapakanan ng nasabing tanggapan. (Lordeth Bonilla)