Delikado sa QC Jail: Atong, inilipat sa Bicutan Jail

Para na rin sa seguridad, ipinasya ni Bureau of Jail Management and Penology-National Capital Region (BJMP-NCR) director, Chief Supt. Serafin Baretto na ilipat sa Metro Manila District Jail si Charlie "Atong" Ang matapos itong magpalipas ng isang gabi sa Quezon City Jail.

Ayon kay Baretto, sarili niyang desisyon ang pagpapalipat kay Ang habang dinidinig pa ang isinumite nitong motion for reconsideration kung saan dapat itong makulong. Si Ang ay may kasong plunder sa Sandiganbayan.

Sinabi ni Baretto na ang paglilipat kay Ang sa MMDJ ay bunga na rin ng mga banta sa buhay nito at mga inmates na nakakulong sa QC Jail.

Makakasama ni Ang ang 1,009 na inmates na may mabibigat ding kaso sa MMDJ sa ilalim ni jailwarden Supt. Romeo Bolcio.

Inamin ni Baretto na posibleng may mangyaring masama kay Ang kapalit ng pera at magkaroon ng gulo sa loob ng piitan kung hindi aagapan ang paglilipat ng ibang kulungan dito.

Nag-disguise si Ang suot ang isang BJMP uniform nang ito ay ilabas sa QC Jail bandang alas-2 ng hapon upang dalhin sa MMDJ sa Camp Ricardo Papa sa Bicutan.

Ipinaliwanag ni Baretto na hindi naman nila maaaring isugal ang seguridad ng isang inmate lalo pa’t kontrobersiyal. Aniya, handa naman siyang ma-contempt ng korte matapos na ipasyang ilipat si Ang na itinuturing na high risk inmate. (Doris Franche)

Show comments