Sa kanilang pagpupulong, sinabi ng grupo ng mga kontratista na tila binabalewala umano sila ni DPWH-NCR Director Josefino Rigor sa mga bidding ng mga pampublikong infrastructure projects kung saan pinapaboran din nito ang pagsali ng Chiara at Shen Construction sa transaksiyon sa DPWH-NCR. Ang Chiara Construction ay pag-aari ng isang Efren Rigor na kapatid ni Director Rigor samantalang ang Shen Construction naman ay pagmamay-ari ni Shieren John Rigor.
Nabatid na palaging sumasali sa subasta ang dalawang construction companies kung saan ginagamit ng mga ito ang pangalan ni Director Rigor upang makakuha ng mula .5 hanggang 1 porsiyento sa bid price ng winning contractor.
Sinabi ng mga kontratista na pinababayaan na lamang ni Director Rigor na sumali ang kanyang mga kamag-anak sa bidding na nananakot na magsusumbong pa sa opisyal kung hindi papayag sa kanilang gusto.
Bukod dito, hiniling din ng mga kontratista na magpaliwanag si Prequalification Bids and Awards Committee chief Emerson Benitez kung paano nabigyan ng lisensiya mangontrata ang Chiara at Shen Construction samantalang karamihan sa mga kompanya ay pag-aari ng kapatid at pamangkin ni Director Rigor.
Matatandaan na mahigpit na ipinagbabawal sa batas na hindi maaaring sumali sa anumang bidding ang kamag-anak ng government official hanggang sa ikatlong degree. (Doris Franche)