Dead-on-arrival sa Dr. Jose Rodriguez Hospital sina Roberto Rabatong, 38, vendor ng 16390 Carmelite Village, at Imelda Omadto-dela Cruz, 52, ng 16522 Carmelite Village, Bo. San Lazaro, Tala habang nasugatan naman sina Hilario Tugunon; Eduardo Echevaria; Sean Caceres; Rudy Lagarde; Eduardo Echa; Silvester Alipio; Alma Chavez; Miriam Fernandez; Angelique Espiritu; Edgardo Ariola; Marshal Atamoy; Esperanza Badal; Robert Espiritu; Jojo dela Cruz; Everdina Esteves; Jomar Epulan; Emalia Borlongan; Jhun Villegas; Dominar Dison Hans; Wilfredo Sarto; Bernard Estevez; at Melody Fernandez, 11, pawang mga residente sa lugar. Lima sa 22 sugatan ay ipinasyang ilipat sa East Avenue Medical Center dahil sa malalang sugat na natamo ng mga ito habang ang natitira ay agad din pinauwi matapos na malapatan ng lunas.
Ayon kay PO2 Angeles Lleno Jr., ng Caloocan City Police, tatlong di-nakikilalang kalalakihan ang naghagis ng granada dakong alas-11:30 ng gabi sa lamay ni Celerino sa Bo. San Lazaro, Tala at ngayon ay tinutugis ng mga awtoridad.
Hinihinala ng mga awtoridad na may kinalaman ang insidente sa kaso ng pamamaril kay Celerino, 47, noong Nobyembre 6 ganap na alas-8 ng umaga sa pagtestigo ng anak nito na si Charles Galarce sa pangunahing suspect sa pagpatay kay Ruñez noong Hulyo 28.
Posible umanong nagalit ang ilan sa mga pangunahing suspect na itinuro ni Charles kung kayat kumuha ito ng hired killer na lilikida sa mga kaanak nito kung saan inuna na si Celerino.
Nang paslangin si Celerino, isang kagawad ng pulisya ang hinihinalang may kagagawan sa pamamaril batay sa imbestigasyon ng Station Investigation and Detective Management Bureau (SIDMB) ni Sr. Supt. Napoleon Cuaton.
Nabatid na kamakalawa ng umaga bago nangyari ang pagpapasabog ay inireklamo din ng pamilya ni Charles kay Cuaton ang panunutok ng baril ng isang lalaki na sakay ng motorsiklo.
Magugunitang itinuro ni Charles ang mga pangunahing suspect na sina Insp. Bryan Limbo; PO3 Aristotle de Guzman, pawang dating miyembro ng Caloocan City Police at Ernani Magnayon na pangunahing suspect sa pagpatay kay Ruñez.
Una nang nasawi si Magnayon matapos na aksidenteng mabaril sa ulo ng isang jail guard na si JO1 Ricardo Zulueta habang nagpapamasahe sa loob ng kwarto sa loob ng Caloocan City Jail.
Kahapon ng umaga ay nagpasya ang pamilya ng biktima na ilibing ang labi ng matanda upang masiguro ang kaligtasan ng mga naturang pamilya na nasa pangangalaga ngayon ng mga awtoridad. (Ricky Tulipat)