Ayon kay Atty. Bernardo Calibo, director ng Personnel and Administrative Service (PAS) ng NAPOLCOM, nakikipag-ugnayan na ang mga tauhan ng Investigation, Monitoring and Intelligence Service (IMIS) sa pamunuan ng Eastern Police District (EPD) upang malaman kung anu-ano ang mga nilabag na alituntunin ng mga nag-escort na parak.
Nabatid na ang anim na pulis ay nakatalaga District Mobile Group ng EPD, kung saan isa-isa na ring inaalam ang mga pangalan ng mga ito.
Posible aniyang masibak pa sa serbisyo ang mga ito kapag napatunayan ng NAPOLCOM na walang kautusan sa hepe ng Philippine National Police (PNP) o sa chairman ng NAPOLCOM ang kanilang pag-eescort kay Jimenez.
Nilinaw pa ni Calibo, base sa alituntunin ng NAPOLCOM hinggil sa pag-eescort sa mga VIP ng pulisya, na tanging ang mga pulis na may ranggong P01 hanggang SP03 lamang ang pinahihintulutan na maging police escort at depende na rin aniya ito sa tindi ng banta sa buhay ng isang individual para payagan ang hiling nilang police escort. (Lordeth Bonilla)