Bilang bahagi ng programa ng naturang ahensiya sa pagdiriwang ng kanilang ika-31 taong anibersaryo at regalo na rin nila sa mga tsuper, ipinatupad nito ang "No Huli Day" sa mga pangunahing lansangan.
Kung saan nagkaroon ng moratorium sa number coding o pansamantalang sinuspinde ang pagpapatupad ng Unified Vehicular Volume Reduction Program (UVVRP).
Naging libre rin ang mga traffic violator, dahil hindi nanghuli ang mga enforcer ng MMDA kung ang paglabag lamang ng mga tsuper ay mga minor offense, tulad ng obstruction at swerving.
Dahil nga "No Huli Day", sinamantala ng ilang motorista ang pagkakataon, dahil libre nilang nailabas ang kanilang sasakyan kahit naka-coding ito na nagsanhi naman sa sobrang pagsisikip ng daloy ng trapiko partikular sa Edsa.
Gayunman sa area ng Mandaluyong, Makati, Pasay at Manila tuloy-tuloy ang ipinatupad ditong color coding.
Samantala, aabot sa P1.2 million halaga ang nawala sa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na nagmumula sa mga traffic fines matapos ipatupad kahapon ang suspension ng number coding o Unified Vehicular Volume Program (UUVRP) at hindi panghuhuli ng mga traffic violator. Ayon kay MMDA Traffic Operation Center Executive Director Lito Vergel De Dios, nabatid na 6,000 kada araw ang nahuhuli ng ahensiya na lumalabag sa batas trapiko.
Kung ang traffic fine aniya ay nagkakahalaga ng P200.00 sa 6,000 na nahuhuli kada isang araw, kumikita umano ang ahensiya ng halagang tinatayang nasa P1.2 million. Kung kayat sa ika-31 taong anibersaryo ng MMDA, nawalan ng kita ito ng nabanggit na halaga na nagmula sa mga traffic fines. (Lordeth Bonilla)