Kinilala ni Supt. Wilfredo Ramos, officer-in-charge ng Malabon Police ang biktimang si Carlos Co, 56, may-asawa at nakatira sa 477 M.H. del Pilar, Tanghuli, Malabon.
Ayon kay Ramos, si Co ay tinangay dakong alas-5:20 ng hapon kamakalawa ng ilang armadong kalalakihan habang lulan ng kanyang owner type jeep na may plakang PDF-206 sa area ng E. Custodio St. panulukan ng Rodriguez St., Brgy. Santolan. Bigla itong hinarang ng mga suspect na sakay ng isang Mitsubishi Adventure na may plakang CJE-169.
Sinabi ng testigo na si Joseph Aquino, isa sa mga suspect ang agad na bumaba sa Mitsubishi Adventure at nilapitan at tinutukan ng baril ang biktima at saka inutusang sumakay sa nasabing get-away vehicle.
Dahil dito, agad na humingi ng tulong si Aquino sa Patrol 117 at sa Malabon Police upang I-report ang ginawang pagdukot sa nasabing negosyante.
Matapos ang ilang oras ay nakatanggap ng tawag ang misis ni Co na si Jovita kung saan ginamit ng mga abductors ang cellphone ng biktima at dito humihingi ng ransom kapalit ng kalayaan ng asawa
Ayon kay Jovita, walang ibinigay na halagang ransom ang mga abductors at wala pa siyang natatanggap na panibagong tawag. Naniniwala si Jovita na posibleng may kinalaman din sa negosyo ang pagdukot sa kanyang mister na ngayoy tinitingnan din ng mga awtoridad.
Sinabi naman ni Ramos na nang puntahan ng kanyang intelligence officer si Jovita ay hindi na umano nila ito makita sa kanyang tahanan bagaman ni-refer din nila sa PACER na siyang maaaring tumulong sa paglutas sa kaso ng mister.
Kasunod ng pagdukot, hiniling na ng Malabon Police sa Land Transportation Office (LTO) na beripikahin ang nagmamay-ari ng get-away vehicle ng mga abductors na siyang posibleng maging daan upang mahanap ang biktima. (Ellen Fernando)