Sinabi ni Chief Ins. Alejandro Yanquiling ng Manila Police District homicide division, naniniwala umano si Eliza Bataller, 44, ng Caloocan City na ang kapatid niyang si Rolando Durado, 37, ang nasa loob ng drum.
Sinasabing noon pang taong 2001 nawawala si Durado kung saan bago ito naglaho ay nagtungo pa sa bahay ang kalaguyo ng biktima para paalalahanan ito na mayroong nagbabanta sa kanyang buhay.
Huling nakita ang biktima na nakasuot pa ng pang-basketball na short na kulay pula. Naniniwala si Bataller na pinatay ang kanyang kapatid dahil umano ayaw ng mga magulang ng kalaguyo nito sa biktima.
Magugunitang natagpuan ang drum na may semento sa tabi ng ilog Pasig sa Sta. Mesa kamakailan habang ang ulo nito ay isa nang kalansay. Nang bakbakin ang semento ay doon nakita ang kulay pulang short na pang-basketball ng biktima. Gayunman, sinabi ng pulisya na ang kaanak ni Durado ang pangatlo nang umaangkin sa bangkay kaya patuloy pa rin ang isinasagawang DNA test dito. (Gemma Garcia)