Sa pulong sa Sulo Hotel, nagtataka ang grupo ng kontratista kung paano at bakit pinahintulutang sumali ang Chiara Construction at Shen Construction sa bidding ng pampublikong proyekto sa ibat ibang bahagi ng bansa lalo na sa Metro Manila.
Lumilitaw sa dokumento na ang Chiara Construction ay pag-aari ng isang Efren Rigor samantalang si Shieren John Rigor naman ang nagmamay-ari ng Shen Construction. Si Efren umano na ama ng nakakabatang si Shieren ay may inside track tuwing may bidding dahil sa kanilang relasyon kay Director Rigor.
Sa Rule 15 Section 47 ng implementing rules and regulations ng RA No. 9184, kailangan na munang magsumite ng sworn affidavit ang isang bidder na magpapatunay na hindi siya kamag-anak ng pinuno ng procuring entity by consanguinity of affinity up to the third degree.
Layunin ng batas na matiyak na magkakaroon ng patas at malinis na public bidding ng anumang public works projects at maiwasan ang anumang kuwestiyunableng transaction sa departamento.
Nagtataka din ang mga lehitimong kontratista kung paano nabigyan ng lisensiya at clearance ni DPWH Prequalification Bids and Awards Committee (PBAC) chief Emerson Benitez ang naturang mga kontratista gayung ang mga ito ay kamag-anak ni Rigor.
Dahil dito, inaasahan na gagawa ng masusing imbestigasyon si DPWH Secretary Hermogenes Ebdane upang masugpo ang ganitong uri ng katiwalian. (Doris Franche)