Sa report, sa bus terminal sa Araneta sa Cubao, Quezon City ay nagdagdag pa ng mga pampasaherong bus ang mga may-ari ng mga Bus Company para lamang ibiyahe ang mga pasahero na dumagsa rito umpisa pa lamang dakong alas-3 ng madaling-araw kahapon.
Samantalang patuloy rin ang paghihigpit ng seguridad ng mga ipinakalat na elemento ng National Capital Region Police Office (NCRPO) sa mga terminals bitbit ang mga K-9 dogs upang pangalagaan ang seguridad ng mga commuters.
Ayon kay NCRPO Chief Director Reynaldo Varilla, inaasahan namang mula ngayon hanggang bukas ay dadagsa pa sa mga terminal ang mga taong magtutungo sa kani-kanilang mga lalawigan kaya todo alerto ang kaniyang mga tauhan.
Nabatid na ang exodus ng mga pasahero sa mga terminals ay nag-umpisa pa nitong Biyernes ng hapon.
Sinabi ni Varilla na mahigpit rin nilang babantayan ang mga akyat bahay gang na maaring magsamantala sa mga bahay na walang tao ngayong Undas.
Magugunita na bilang paghahanda sa UNDAS ay isinailalim sa red alert ang PNP at AFP habang may 6,000 pulis naman ang inatasang magbantay sa 63 sementeryo sa Metro Manila maliban pa sa 3,000 civilian volunteer. Ang red alert ay bunsod rin ng 5 araw na trip ni Pangulong Gloria Macapagal Arroyo sa China. (Joy Cantos at Edwin Balasa)