Ayon kay PO3 Edwin de la Cruz ng Quezon City Police District-Criminal Investigation Division, kasalukuyan silang nakikipag-ugnayan sa Quezon City Health Department upang malaman kung ano ang kasong maaaring isampa laban kay Dominic Sacala ng #96-B ROTC Hunters Delgado Compound, Brgy. Tatalon, Quezon City.
Nabatid kay Sacala na napilitan siyang ilibing ang kanyang anak na kanyang pinangalanang Maria Heidilyn sa konkretong hagdan bunga na rin ng kawalan ng pera sa pagpapalibing dito.
Ipinanganak ang bata noong Setyembre 1, ng misis ni Dominic na si Heidi sa Fabella Hospital. Subalit makalipas ang tatlong araw namatay ang bata bunga ng respiratory distress syndrome. Inilagay ni Dominic ang bangkay ng bata sa isang kahon ng sapatos at saka inilibing sa ilalim ng hagdan.
Dahil na rin sa pangamba sa magiging epekto ng paglilibing sa kanilang kalusugan, inireport ng mga kapitbahay ni Dominic ang ginawa nito sa pulisya. Agad na hinukay ang bangkay ng bata at nakatakdang ilipat sa sementeryo. (Doris Franche)