Idineklarang dead-on-arrival sa Valenzuela City Emergency Hospital ang biktimang si Jackielyn Quintana, ng nasabing lungsod.
Ayon kay Valenzuela Public Information chief Marither Menia, dakong alas-7:30 ng umaga nang dalhin ng kanyang mga magulang sa nasabing pagamutan ang bata bunga na rin ng malalang lagay nito.
Matapos ang pagkamatay ng bata ay pumayag naman ang mga magulang nito na agad na ipalibing sa Arkong Bato Public Cemetery upang hindi makapanghawa na ginastusan ni Valenzuela City Mayor Sherwin Gatchalian.
Agad na inatasan ni Mayor Gatchalian si Dr. Manuel Mapue, city health epidemiologist, na magtungo sa nasabing pagamutan upang gumawa ng aksyon para hindi kumalat ang sakit o mikrobyo mula sa biktima.
Sa panayam kay Mapue, sinabi nito na nakitaan ng physical sign ng meningococcemia ang bata at idineklarang meningococcal disease probable ang sanhi ng pagkamatay nito.
Posible umanong nakuha ng bata ang mikrobyo sa Meycauayan, Bulacan mula sa isang carrier kung saan nagbakasyon ang pamilya sa kanilang kaanak ng tatlong linggo. Nakitaan na ang bata ng senyales ng meningo habang nasa Meycauayan at naisugod na lamang sa Valenzuela City Emergency Hospital kahapon ng umaga.
Sa rekord ng City Health Dept., sinabi ni Mapue na may 2 hanggang 3 kaso ng meningo ang kanilang naitatala sa lungsod kada taon subalit ngayon lamang sila namatayan ng biktima. (Ellen Fernando)