Ayon kay PDEA chief ret. Gen. Dionisio Santiago, nasabat ng kanilang mga tauhan ang nasabing droga sa NAIA international cargo terminal kamakailan pero kahapon lamang isinawalat sa media matapos ang isinagawang imbestigasyon.
Ang Ketamine ay isang uri ng anaesthetic na karaniwan nang ginagamit sa mga pangarerang kabayo na alternatibo namang "party drug" ng mga durugista na bagaman nakararamdam ng kakaibang lakas ay may masamang epekto sa utak at katawan ng taong nakainom nito.
Sinabi ni PDEA spokesman Sr. Supt. Francisco Gabriel na ang nasabat na Ketamine ay idineklarang textile garments at nakarehistro sa Philippine Skylander Inc. warehouse, NAIA Road, Parañaque City.
Natuklasan na naka-consign sa Felfort Marketing na may business address sa Brgy. Manresa, Quezon City ang naturang mga bultu ng Ketamine.
Inihayag ng opisyal na sakay ng Qatar Airways flight no. 646 galing Karachi, Pakistan ang nasamsam na mga epektos kung saan itinanggi ng Felfort Marketing na sila ang may-ari ng naturang mga shipment.