Ito ang isiniwalat kahapon ni Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Ronaldo Puno kung saan 62 porsiyento sa 120,000 na aktibong pulis sa bansa ang nakatira lamang sa mga squatters area at halos hindi pa mapag-aral ang mga anak sa pampublikong paaralan.
Ayon kay Puno, nasa panganib ang buhay ng mga pulis upang mabigyan ng seguridad ang publiko subalit hindi nakararanas ng maayos na pamumuhay.
Dahil dito, hindi rin umano makatarungan na akusahan ng publiko ang mga pulis na nagsasagawa ng mga ilegal na gawain upang maiahon lamang sa kahirapan ang kani-kanilang mga pamilya.
Kaugnay nito ay nagbigay ng buong suporta si Puno sa proyekto ngayon ng Phil. National Police (PNP) sa Pulis Kalinga Housing Project kung saan nabigyan ng 6.2 ektaryang pabahay ang mga pulis sa Camp Macabulos, Tarlac na magbibigay ng may 200 units.
Iginiit ni Puno na wala namang ibang tutulong sa mga pulis kundi ang kanilang mismong ahensyang nakakasakop sa kanila. Ito rin aniya ang nakikita niyang paraan upang maiwasan na ring masangkot sa mga illegal activities ang mga pulis.
Lumilitaw sa istatistika na 68 porsento sa Northern Mindanao, 66 porsyento sa Cordillera Administrative Region (CAR) at Central Visayas habang 62 porsyento sa Eastern Visayas at Metro Manila ang mga pulis na walang sariling bahay. (Doris Franche)