Akyat-bahay gang aktibo na naman

Milyong pisong halaga ng mga mamahaling gamit at alahas ang natangay ng pinaniniwalaang isang grupo ng ‘Akyat-bahay gang’ matapos na magkasunod na limasin ng mga ito ang bahay ng opisyal ng malalaking kompanya na nakatira sa mga kilalang subdibisyon sa Marikina City.

Ayon kay Supt. Sotero Ramos Jr., hepe ng Marikina police, na kung kinakailangan ay huwag iwanan ang kanilang bahay ng walang tao dahil gumagala ang isang grupo ng akyat-bahay na ang modus operandi ay tiktikan ang mga bahay na laging walang tao na kanilang lolooban.

Ito ay matapos na mabiktima ng nasabing grupo ang dalawang bahay na pag-aari nina Paulino Manduriao, 37, Information Technology (IT) Manager at Ramon Topacio, 32, Assistant Vice President ng Nestlé Philippines.

Napag-alaman kay Ramos na unang nabiktima ng mga suspect ang bahay ni Manduriao noong Oktubre 22 ng hapon matapos iwanan nito ang kanyang bahay sa Don Gonzales Puyat St. Loyola Subd. Brgy. Barangka ng lungsod na ito at limasin ang umaabot sa P600,000 mga gamit sa bahay at mga alahas.

Kinabukasan naman ay muling umatake ang mga suspect at nilimas naman ang bahay ni Topacio na matatagpuan sa 29 Bangkilya St., Midtown Subd., Brgy. San Roque ng lungsod na ito matapos na samahan nito ang kanyang ina na magpa-check-up sa pagamutan.

Laking gulat nito nang pagbalik niya ng hapon ay sira na ang kandado ng kanilang gate at nang tingnan ang loob ng bahay ay wala na ang mahahalagang gamit na umaabot sa may P900,000 kabilang ang anim na TV, isa rito ay Plasma na aabot sa mahigit sa P100, 000 ang halaga, laptop, dalawang computers at mga alahas na aabot sa halagang P900,000.

Napag-alaman sa imbestigasyon ni PO2 Nelson Cruz na iisa ang modus ng mga suspect, matapos na puwersahang buksan ang gate ng mga biktima ay ipaparada doon ang closed van na dala upang doon isakay ang mga ninakaw na gamit.

Nagsasagawa na ng masusing imbestigasyon ang pulisya para sa ikakadakip ng mga suspect. (Edwin Balasa)

Show comments