Bebot, pinasabog ang bungo

Onsehan sa droga ang tinitingnang motibo sa pamamaslang sa isang babae na binaril sa ulo nang malapitan ng isang hindi pa nakikilalang lalaki kahapon ng madaling-araw sa Tondo, Maynila.

Ayon kay Det. William Gondranios ng Manila Police District-Homicide Section, nakilala lamang ang biktima sa pangalang Vangie, na may taas na 5’2’’, nasa edad na 18-20, kayumanggi, maikli ang buhok at nakasuot ng maong pants at t-shirt.

Nabatid na natagpuan ang duguang bangkay ng biktima na nakahandusay sa isang madilim na eskinita sa Purok 1, Isla Puting Bato, North Harbor, Maynila dakong alas-4:30 ng madaling araw.

Lumilitaw na dayo lamang sa lugar ang biktima kung saan pinaghihinalaan itong may katransaksiyon sa droga.

Tumanggi namang magbigay ng anumang pahayag ang mga residente sa lugar sa pangamba na madamay sila. Gayunman, nagsasagawa ng follow up operation ang pulisya upang matukoy ang salarin. (Danilo Garcia)

Show comments