Parak utas sa resbak

Patay ang isang pulis matapos na pagbabarilin ng tatlong hindi pa nakikilalang suspect sa harap ng kanyang bahay kahapon ng madaling-araw sa Quezon City.

Patay na nang idating sa UERM ang biktima na nakilalang si PO2 Noel Alcantara, 34, nakatalaga sa PNP Regional Internal Affairs Service at naninirahan sa 9 Madias St. sa panulukan ng Santol St., Sto. Niño, Quezon City matapos na magtamo ng maraming tama ng bala ng baril sa katawan.

Mabilis namang tumakas ang mga suspect sakay ng isang tricycle matapos ang isinagawang krimen.

Sa pagsisiyasat, naganap ang insidente dakong alas-4 ng madaling-araw sa harap ng bahay ng biktima. Nabatid na kinatok ng mga suspect ang bahay ng biktima at nang lumabas ang huli ay agad itong pinaulanan ng putok ng mga salarin.

Ayon sa pulisya, mayroon umanong nakaalitan ang biktima na naikuwento nito sa kanyang misis subalit hindi naman tinukoy ng biktima.

Kaugnay nito, iniimbestigahan ng pulisya ang posibilidad na may kinalaman sa mga hawak nitong kaso sa IAS ang pamamaslang sa biktima. (Doris Franche)

Show comments