Sinabi ni PDEA Executive Director General Undersecretary ret. Gen. Dionisio Santiago na nangunguna sa mga nasakoteng suspect ay isa nilang dating opisyal na si Police Inspector Nathaniel Capitanea na siyang lider ng grupo at may warrant of arrest sa kasong KFR. May patong din itong P500,000 sa ulo.
Kabilang pa sa mga naaresto ay sina PO3 Dan Firmalino, PO2 Jose Garcia at PO1 Nelson Mariano; dati ring mga personnel ng PDEA na kasamahan ni Capitanea.
Arestado rin ang anim pang miyembro ng grupo ni Capitanea na kinilalang sina P/Senior Inspector Bienvenido Reydado, POI Gilbert Fariñas, Police Inspector Marco Polo Estrera, PO2 Alexander Alvarez, PO2 Jun-Jun Mataverde; pawang miyembro ng PNP-Anti-Illegal Drugs Special Operations Task Force (PNP-AID-SOFT) at Richard Villanueva na di natukoy ang ranggo.
Nabatid na bukod sa pagkakasangkot ng mga nabanggit sa kidnap for ransom, sabit din umano ang mga ito sa droga at hulidap.
Ayon kay Santiago dakong alas-11:55 ng gabi nitong Miyerkules ng magsagawa sila ng operasyon sa bisinidad ng isang fastfood sa Banawe St. corner Maria Clara St. sa Quezon City.
Sinabi ni Santiago na si Capitanea ay matagal na nilang isinasailalim sa masusing surveillance operations matapos silang makatanggap ng impormasyon na sangkot ang grupo nito sa hulidap, illegal na transaksyon ng droga at kidnap for ransom.
Nabatid na isang tipster ng PDEA operatives ang positibong nagkumpirma sa presensya ng grupo ni Capitanea sa paligid ng fastfood chain kayat agad pumoste sa lugar ang kanilang mga tauhan na nagresulta sa pagkakadakip sa mga suspect.
Samantala, habang hinahalughog ng mga operatives ang Toyota Town Ace van na may plakang XGK-562 ng mga suspect ay nailigtas ang anim kataong hinuhulidap ng mga ito matapos na arestuhin at diumanoy taniman ng droga kapalit ng aregluhan ng malaking halaga upang hindi ipursige ang kaso.
Pawang nakagapos at nakapiring ng masagip ang anim na sibilyang kinilalang sina Edgar Parce, 28; Trivor Woodard, 28; Robert Antonio, 28; Mario David, 43; Joel David , 24 at Danilo Gabriel, 51.
Sa salaysay ng mga biktima hinihingan umano sila ng halagang P100,000 ng mga suspect kapalit ng kanilang kalayaan matapos silang basta na lamang diumano pagdadamputin at paratangan na mga drug pusher kamakalawa ng umaga sa San Fernando, Pampanga.
Nakuha sa loob ng van ang apat na transparent sachet na naglalaman ng shabu. Nasamsam rin sa mga suspect ang anim na piraso ng 9MM, isang cal . 45 pistol, isang cal. 357 magnum revolver at isang AR15 baby armalite rifle; pawang may magazine na puno ng mga bala; isang Toyota Town Ace( Silver ) na may plakang XGK 562, isang Isuzu Sportivo (Maroon) ZCH-841; Honda City (Puti ), WEH- 859; Honda City ( Ube) SAU-844, Toyota Hi-Ace (Kayumanggi) CTP-288 at Toyota Corolla ( Berde) XCJ -333.
Inihahanda na ang pagsasampa ng kasong kriminal laban sa mga suspect na ngayoy patuloy na iniimbestigahan sa tanggapan ng PDEA.