Saksak sa baba at dibdib ang sanhi ng kamatayan ng biktimang si Lourdes Ramos, 51, ng no. 3664 Bautista St. Palanan, Makati City at empleyado ng Drezec Boutique sa loob ng Harrison Plaza Mall.
Lumilitaw na nagsasagawa ng inspeksiyon dakong ala-8:45 ng gabi ang guwardiyang si Domingo Fernandez nang mapansin niya ang tumutulong dugo mula sa stockroom.
Minabuti ni Fernandez na tignan ang loob ng stockroom at laking gulat niya nang makita ang bangkay ng biktima at ang balisong na pinaniniwalaang ginamit ng mga hindi pa nakikilalang mga suspect.
Huling nakita ang biktima na nagbabantay sa harap ng boutique.
Ayon sa pulisya, posibleng saksi sa isang nakawan ang biktima kung kayat pinaslang ng mga suspect upang hindi na tumestigo pa. Gayunman, ipatatawag din ng pulisya ang lahat ng mga tauhan ng naturang boutique upang isailalim sa nasabing imbestigasyon. (Danilo Garcia)