Batay sa 30-pahinang petition for certiorari, hiniling ni Calixto sa appellate court na pigilan sina Executive Secretary Eduardo Ermita at DILG Secretary Ronaldo Puno sa pagpapatupad ng panibagong 60-araw na suspension order, na sa pagkakataong ito ay ipinalabas ng Malacañang.
Una rito ay sinuspinde ni Ombudsman Merceditas Gutierrez si Calixto kasabay ni Pasay City Mayor Wenceslao "Peewee" Trinidad at ilang konsehal ng lungsod kaugnay sa kinasasangkutang kasong may kinalaman sa kontrata sa basura.
Subalit, saglit na nabuhayan ng loob si Calixto nang magpalabas ng temporary restraining order (TRO) noong Oktubre 3, 2006 ang Special 11th Division na tatagal ng 60-araw na kaagad ding sinalubong ng panibagong suspension ng DILG na nagmula sa kautusan ng Office of the President.
Sa kautusan, pinatawan ng 60-araw na preventive suspension ng Malacañang si Calixto kayat hindi na natuloy ang pagkuha nito ng puwesto bilang acting mayor mula kay 1st Councilor Allan Panaligan, na humalili kay Trinidad.
Sa argumento ni Calixto, may grave abuse of discretion amounting to lack or excess of jurisdiction ang Office of the President dahil hindi pa naman nareresolba ng Civil Service Commission ang reklamong inihain laban sa kanya at hindi pa dapat pasukin ng Malacañang.
Bunsod nito, maging ang DILG ay wala pa ring kapangyarihan na ipatupad ang suspension order dahil sa pagkakamaling ito ng Malacañang. (Ludy Bermudo)