Patay na nang idating sa Gat. Andres Bonifacio Hospital sanhi ng mga tinamong saksak sa katawan ang biktimang si Geraldo Oliba ng Gate 1, Area Bungad Islapo, Tondo, samantalang patuloy namang pinaghahanap ng pulisya ang suspect na nakilala lamang sa pangalang Jonjon de Guzman, Brgy. Kagawad sa Brgy. 29 Islapo ng nasabing lugar.
Lumalabas sa ulat ng Manila Police District (MPD) dakong ala-1 ng madaling- araw ng maganap ang insidente sa isang lamayan sa naturang lugar.
Nabatid na doon naglalaro ng pusoy ang nasawi kasama ang ilang kapitbahay at ang misis ng suspect.
Ilang sandali pa ay tumayo ang misis ng suspect dahil sa natalo na ito ng biktima. Pumalit dito ang suspect na nagsabing babawian niya ang biktima dahil malaki ang tinalo nito sa kanyang misis.
Pero patuloy pa rin ang pagpapanalo ng biktima na inalaska pa ang suspect dahilan upang magalit ito. Ilang sandali pa ay biglang tumayo si de Guzman at paulit-ulit na pinagsasaksak si Oliba. (Gemma Amargo Garcia)