Namatay noon din ang biktimang si Leonardo Soriano, ng Sandem St., Brgy. Commonwealth ng nabanggit na lungsod matapos na magtamo ng anim na tama ng bala ng kalibre .45 baril sa ulo at katawan.
Base sa ulat ng Quezon City Scene of the Crime Operation (SOCO) naganap ang insidente dakong alas-12:25 ng madaling-araw sa may Riverside St., Brgy. Commonwealth.
Lumilitaw na bago ang insidente ng pamamaril ay dinakip sa kasong panghoholdap si Soriano ng Batasan Police ngunit pinalaya rin makaraang iurong ng complainant ang pagsasampa ng kaso laban dito.
Habang papauwi na si Soriano sakay ng tricycle ay hinarang ito ng mga suspect na nakasakay sa motorsiklo at kapwa naka-bonnet at saka walang sabi-sabing pinagbabaril ang una. Matapos na matiyak na patay na ang target ay mabilis na nagsitakas ang mga salarin.
Naniniwala ang pulisya na posibleng mga kasamahang holdaper ni Soriano ang bumaril dito na natatakot na ikanta sila ng huli kung kaya pinatahimik na ito.
Base sa rekord ng pulisya labas-masok na sa kulungan ang nasawi dahil din sa kasong panghoholdap. (Doris Franche)