Ang hakbangin ng MMDA ay matapos silang atasan o bigyan ng "go signal" ng Malacañang, na ang naturang ahensiya na ang may karapatang kumastigo at mamahala lalu na kung ang usapin ay may kaugnayan sa mga billboards.
Kung saan napuno na ang Malacanang lalu na ang MMDA laban sa mga taong responsable sa mga naglalakihang billboards, na nagdulot ng matinding pinsala sa kasagsagan ng bagyong Milenyo.
Dahil dito, may nagbuwis ng buhay, may mga nawasak na ari-arian at nagdulot ng ilang araw na matinding pagsisikip ng daloy ng trapiko sa ilang pangunahing lansangan ng Metro Manila lalu na sa kahabaan ng Edsa Avenue.
Bunga nito, ipatutupad naman ng MMDA ang kamay na bakal sa lahat ng mga taong responsable sa pagpapatayo ng mga billboards kung saan sisimulan na nila ang operation baklas laban sa mga naglalakihang billboards sa Kalakhang Maynila.
Ayon sa ahensiya, wala nang nego-negosasyon sa mga may-ari ng billboards kahit pa aniya binigyan sila ng permit ng Local Government Unit (LGU) at ginastusan nila ito ng milyong piso. Ang isinasaalang-alang ngayon ng MMDA ay ang kaligtasan ng publiko at para aniya di na muling maulit ang dinudulot na trahedya ng nakakapinsalang mga billboards. (Lordeth Bonilla)