Nasa balag ngayon ng alanganin ang titser na si Rhodora de Vera, may-asawa, nagtuturo sa Imelda Elementary School at nakatira sa Blk. 8, Lot 16, Ph. 2 Area 3, Brgy. Longos, Malabon makaraang ipagharap ng reklamo ng mga magulang ng batang estudyante na si Roan Canillo Gyo, 6, dahil sa walang pakundangang pananakit.
Si Gyo ay sinamahan ng kanyang ina na maghain ng kasong child abuse laban kay de Vera sa Women, Children and Concerned Desk sa Northern Police District kahapon. Ang bata ay nagtamo ng isang malaking bukol sa ulo matapos iuntog umano ng kanyang titser nang mairita at magalit ang huli dahil sa pag-iingay ng biktima at mga kaklase nito.
Sa ulat, nangyari ang insidente dakong alas-11 ng umaga sa loob ng isang classroom ng nasabing paaralan habang nagkaklase ang mga mag-aaral. Nauna rito, ilang mga lalaking kaklase ni Gyo ang umanoy nagtutuksuhan at saka binulungan ng kabastusang salita ang una. Dahil dito, nagsimulang mag-ingay ang klase nang mainis ang batang biktima at harapin ang mga nambabastos sa kaklaseng lalaki. Hindi naman nalingid sa guro ang mga nagtatalong estudyante kaya agad na lumapit ito. Pinuntirya umano ng guro si Gyo at walang sabi-sabing hinawakan ang ulo nito saka inuntog sa silya. Hindi pa nasiyahan, muli umanong hinawakan nito ang ulo ng bata at saka sinabunutan. Nag-iiyak ang bata subalit hindi pa nakuntento ang guro hanggang sa hindi nito payagang lumabas ng classroom ang biktima para makapag-recess.
Agad na nagpunta ang biktima sa kanyang ate at dito ay isinumbong ang ginawang pananakit ng kanyang guro na ipinarating naman sa kanilang ina. (Ellen Fernando)