Idineklarang dead-on-arrival sa Fairview General Hospital ang biktimang si Alvin Alejo, 32, ng 3-A Teachers St., Mary Homes Subd., Brgy. Sauyo, Novaliches, Quezon City. Si Alejo ay nagmamay-ari ng isang slaughter house sa Novaliches.
Ayon sa ulat ng pulisya, naganap ang krimen dakong alas-2 ng madaling-araw sa kanto ng J.P. Rizal at Paguio Sts., Brgy. Sta. Lucia, Novaliches.
Nabatid na pauwi na ang biktima nang biglang harangin at paulanan ng bala ang mga suspect. Nang makitang duguan ang biktima ay mabilis na nagsitakas ang mga suspect sa hindi malamang direksiyon.
Ayon sa mga awtoridad, sinisilip nila ang mga anggulo na may kinalaman ang pamamaslang sa negosyo ng biktima dahil ayon sa pamilya nito ay madalas na nakatatanggap ito ng death threats.
Sa kabila nito, sinabi ng mga awtoridad na inaalam din nila kung ang mga suspect sa pamamaslang sa negosyante ay responsable rin sa panghoholdap at pagpatay sa isang 3rd year nursing student sa Arellano University na si Diana Divina sa Murphy, Cubao, Quezon City. Ayon naman kay QCPD director Chief Supt. Nicasio Radovan Jr., inatasan niya ang kanyang mobile division na paigtingin ang checkpoint at monitoring sa mga lugar na tulad ng Novaliches at Cubao. (Doris Franche)