Namaril na parak sumuko

Sumuko sa Manila Police District (MPD) ang ikalawang pulis na walang habas na namaril nitong nakaraang Lunes na ikinasawi ng isang babae at malubhang ikinasugat ng dalawa pang vendor sa Tondo, Manila.

Nasa kustodya na ngayon ng MPD-Homicide Section ang suspect na si PO2 Allan Trinidad, nakatalaga sa Special Action Force sa National Capital Region Police Office (NCRPO), Camp Bagong Diwa, Taguig City at ang nauna pang nadakip na si PO1 Daniel Villanueva, nakatalaga naman sa Camp Crame.

Sinabi ni Homicide Section chief C/Insp. Alejandro Yanquiling na isinampa na ang kasong homicide at double frustrated homicide laban sa dalawang pulis matapos na masawi ang biktimang si Carmelita Billiones; 51; at malubhang nasugatan naman sina Analyn Maglangcay, 25; at Amelita Quismundo, 46, pawang mga residente ng Wagas St., Tondo.

Sumuko si Trinidad sa MPD matapos na payuhan ng kanyang mga kasamahang pulis upang hindi lumala ang kaso nito. Itinanggi naman nito na may kinalaman siya sa pamamaril sa dalawang babae dahil sa hindi umano siya nagpaputok ng baril nang maganap ang insidente. Isang operasyon ang kanilang isinasagawa sa lugar nang biglang makarinig ng sunud-sunod na putok ng baril.

Kabaligtaran naman ito sa pahayag ng ilang saksi na nagsabing sinita ng mga ito habang nasa impluwensiya ng alak ang isang grupo ng kabataan na nagkani-kanyang takbuhan. Hinabol ng mga pulis ang mga tinedyer at nagpaputok sa may Padre Herrera street kung saan tinamaan ang tatlong tindera.

Agad na inaresto si Villanueva ng mga humahabol na awtoridad habang nakatakas naman si Trinidad. (Danilo Garcia)

Show comments