Taxi driver dedo sa holdap

Patay ang isang 55-anyos na taxi driver makaraang manlaban ito sa dalawang holdaper na tumangay ng kanyang kinita, kahapon ng madaling- araw sa Caloocan City.

Nasawi habang ginagamot sa President Diosdado Macapagal Medical Center sanhi ng tinamong 27 saksak sa katawan ang biktimang si Ruben Gadaigan, residente ng Nakasamba Subdivision, Bagumbong, Caloocan.

Batay sa ulat ng pulisya, dakong alas-2:40 ng madaling araw nang maganap ang nasabing krimen sa kahabaan ng Caimito Road, Brgy. 79, Caloocan City.

Lumabas sa isinagawang imbestigasyon ng pulisya na unang nagpanggap na mga pasahero ang dalawang hindi kilalang mga suspect na sumakay sa minamanehong taxi ng biktima. Pagsapit umano sa madilim na bahagi ng University of the East (UE) ay biglang naglabas ng patalim ang mga suspect at nagdeklara ng holdap.

Sa puntong ito ay nanlaban ang biktima dahilan upang pagtulungan siyang saksakin ng mga suspect bago tumakas tangay ang kanyang kinita sa buong magdamag. (Rose Tamayo-Tesoro)

Show comments