Nagkaroon ng kalituhan at kuwestiyon para sa ilang kagawad ng media hinggil sa pagbawi ni Panaligan sa kanyang kautusan.
Nabatid na dakong alas-5 kamakalawa ng hapon ay muling binuksan ang operasyon ng Star City dahil binawi ng acting mayor ang kanyang naunang direktiba na pansamantalang isuspinde ang operasyon nito dahil sa umanoy dispalinghadong makina ng ilang rides nito.
Magugunitang kamakailan lamang isang 13-anyos na dalagita ang nasawi matapos sumakay sa Wild River rides. Nag-panic at tumayo ito hanggang sa mahulog sa may 38-talampakan ng rides. Sinabi ng Star City na isang aksidente ang nangyari at walang kinalaman ang kanilang makina.
Pero kamakalawa isa namang 3-anyos na batang babae ang muntik ng masunog sa sinasakyan nitong bump car makaraang mag-spark ang ilalim na bahagi nito.
Muling nagsagawa ng inspeksyon si Panaligan at nagdesisyon ito na suspendihin ang operasyon ng Star City.
Gayunman, ura-urada umano ay nabago ang isip nito at muling pinayagan ang operasyon ng naturang recreational park.
Ayon kay Panaligan, sinunod lamang niya ang rekomendasyon ng Engineering Office ng Pasay City Hall. Hindi na aniya kailangang isuspinde ang operasyon ng Star City dahil hindi naman delikado ang nangyari noong nakaraang gabi.
Ayon pa umano sa tagapagsalita ng Star City na si Atty. Rodenil Bugay pinakiusapan nila si Panaligan na payagang makapag-operate ang park dahil na rin sa marami aniyang naka-schedule na school tours dito. Pero hindi binuksan ang ilang rides tulad ng Wild River at Bump Car.