Taxi driver, patay sa holdap

Patay ang isang taxi driver matapos na manlaban at pagsasaksakin ng dalawang holdaper kahapon ng madaling-araw sa Caloocan City.

Idineklarang dead- on-arrival sa President Diosdado Macapagal Medical Center ang biktimang si Ruben Gadaigan, 55, ng Nakasamba Subdivision, Bagumbong matapos na magtamo ng 27 saksak sa iba’t ibang bahagi ng katawan.

Sa imbestigasyon ng pulisya, dakong alas-2:40 ng madaling-araw ng maganap ang insidente sa kahabaan ng Caimito Road, Brgy. 70, Caloocan City.

Lumilitaw na pinara at sumakay ang mga suspect sa taksi ng biktima hanggang sa magdeklara ng holdap sa tapat ng University of the East(UE).

Sapilitang kinuha ng mga suspect ang kinita ng biktima na nagbunsod naman upang manlaban ito. Subalit pinagtulungan itong pagsasaksakin ng dalawang suspect at saka mabilis na tumakas dala ang P1,900 na kinita ng una. (Rose Tamayo-Tesoro)

Show comments